Anyare? Pangakong napako: P20/kilo na bigas sa merkado

April 25, 2025

2025 na pero murang bigas pa rin ba ang hanap mo? 

Ayon sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture, nasa P32-54/kilo ang presyo ng bigas sa NCR noong Marso at Abril 2025. Napakamahal at malayong-malayo ito sa pangakong napako na P20/kilo.

Kung titignan naman ang presyo ng palay, binabarat nang husto ang ating mga magsasaka. Ayon sa Bantay Bigas, noong Marso ay binibili lamang ang palay ng mga magsasaka sa Kalibo, Isabela, Laguna at Guimba, Nueva Ecija sa halagang P13.00-15.50 lamang. Saan napunta ang halos P16.50-41?

Magsasaka, konsyumer at ordinaryong tindera, magkakampi hindi magkalaban

Totoo, nakakagalit ang mataas na presyo ng bigas pero hindi tayo dapat magalit sa ang ordinaryong tindera. Hindi sila ang may kasalanan bakit mahal ang presyo ng bigas sa merkado. No choice rin sila dahil mahal din ang kuha nila sa trader o middlemen. Sa katunayan, ayaw rin nila na mahal ang presyo ng binebenta nila dahil tulad mas kaunti ang kanilang maibebenta. Dagdag pa, tulad natin ay konsyumer din sila—naghahanapbuhay para makabili ng pagkain at mayroong panggastos araw-araw.

Kung binabarat ang mga magsasaka at wala sa kontrol ng mga tindera ang presyo ng bigas, sino ang may kasalanan sa mahal na presyo ng bigas?

Para sa Bayan Muna kailangang buwagin ang kartel ng bigas sa Pilipinas, ibasura ang Rice Liberalization Law at ibang import policy ng gobyerno, at bigyan ng suporta ng pamahalaan ang mga magsasaka at sektor ng agrikultura.

Rice Liberalization Law, ibasura

Common sense para sa mga Pilipino na mahal ang imported. Pero sa hindi malamang dahilan ay pinangako ng mga may akda ng batas at ni Pangulong Duterte na magmumura ang presyo ng bigas kung ipasa ang Republic Act No. 11203 o ang Rice Liberalization Law. Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang RLL noong February 14, 2019.

Sa ilalim ng Rice Liberalization Law (RLL), tinanggal ang quantitative restrictions (limitasyon sa dami) ng iniimport na bigas at papatawan na lang ito ng 35% na taripa.

Resulta: Pilipinas na ang number one rice importer sa mundo. Ayon sa Department of Agriculture, nag-import ang Pilipinas ng 4.68 million metric tons ng bigas noong 2024, mas malaki kumpara sa 3.6 million metric tons noong 2023. Mas marami ang iniimport na bigas ng Pilipinas na mayroong humigit 110 milyong populasyon kumpara sa China na may 1.4 bilyong populasyon.

Noong July 8, 2024, sa pamamagitan ng Executive Order No. 62 ay pinababa pa ni Pangulong Marcos Jr. ang taripa patungong 15% hanggang 2028. Pangako muli ni Pangulong Marcos ay bababa sa P29/kilo ang presyo ng bigas.

Bumaba ba ang presyo para sa mga konsyumer?

Ayon sa Philippine Statistics Authority, hindi masyadong gumalaw ang presyo ng bigas. Sa katunayan noong 2024 ay sumirit pa ang presyo ng bigas sa NCR. 

Average retail price of rice (1kg) in NCR

2018201920202021202220232024
Well-milled44.6841.9942.0642.8043.1245.6452.76
Regular-milled39.0137.4437.2238.2838.9841.0445.28

In pesos

Batay naman sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture sa NCR, hindi rin nalalayo ang presyo ng imported na bigas sa lokal na bigas.

Price range of rice (1kg) in NCR

22 Jan 202522 Feb 202522 Mar 202522 Apr 2025
Kadiwa
Well-milled38353535
Imported
Well-milled40-5240-5544-4642-48
Regular-milled38-4838-4633-4535-45
Local
Well-milled40-5542-5238-5438-54
Regular-milled37-4838-4532-4933-43

In pesos

Mapapansin din na halos hindi nagbago ang presyo ng bigas mula Enero hanggang Abril kahit na sinabi ng Department of Agriculture na bumabagsak ang presyo ng bigas sa global market sa pagitan ng ika-10 ng Disyembre at Enero at patuloy na bumababa pa rin ito. Tingin ng Bayan Muna, sinasamantala ng mga kartel at hoarder para kumita ng mas malaking tubo.

Eh ang Kadiwa? Hindi ba mas mura doon?

Totoo na mas mura ang presyo sa Kadiwa markets ngunit band-aid solution lang ito. Kakaunti lang ang naaabot at nakakapamili rito habang ang milyon-milyong Pilipino pa rin ang nagdurusa sa mahal na presyo ng mga bilihin. Nananatiling halos walang suporta at binabarat ang ating mga magsasaka. Patuloy na minamanipula ng mga kartel ang presyo ng bigas habang bumabaha ng mahal na imported na bigas sa pamilihan.

Anyare sa pangako ni Marcos Jr. noong 2022 na P20/kilo ng bigas at noong 2024 na P29/kilo ng bigas?

Noong 2022, pinangako ni Marcos Jr. habang siya ay nangangampanya ay papababain ang presyo ng bigas sa P20/kilo. Isang taong makalipas ay sinabi ni Agriculture Secretary Laurel na hindi pa posibleng maibaba sa P20/kada kilo ang presyo ng bigas. 

Noong 2024, pinangako ulit ni Marcos Jr. na kapag binaba ang taripa sa imported na bigas mula 35% patungong 15% hanggang 2028 ay bababa sa P29/kilo ang presyo ng bigas. Halos isang taon ang nakalipas, ang binebenta sa Kadiwa ay P35/kilo habang P33-54 naman sa mga palengke.

Malinaw, binudol ni Pangulong Marcos Jr. ang sambayanan noong eleksyong 2022 para lang makaupo siya sa pwesto.

Sa ilalim ng RLL, masaya ang kartel, hoarders, smugglers at, importers ng bigas. Habang tayong mga magsasaka, konsyumer at manininda ay nagdurusa sa barat na presyo ng palay at mahal na presyo ng bigas. Malinaw na ang Rice Liberalization Law na pinirmahan ni Duterte at pinagpapatuloy iimplementa ni Marcos Jr. ay hindi maka-Pilipino.

Tunay na solusyon para mapamura ang presyo ng bigas

Anu-ano ang inihahapag na solusyon ng Bayan Muna para mapamura ang presyo ng bigas sa Pilipinas?

Una, sa kagyat ay ibasura ang RLL at iba pang import policy ng gobyerno. Hindi dapat pabahain ng imported na bigas sa lokal na pamilihan. Imbis na makatulong ay nagreresulta ito sa pagkalugi ng mga Pilipinong magsasaka. Laanan ng mas mataas na budget ang sektor ng agrikultura at magbigay ng sapat na direktang suporta tulad ng production subsidy at fertilizer subsidy sa mga magsasaka. Dapat ding tugusin at kasuhan ang mga kartel, hoarder at mga nagmamanipula ng presyo ng bigas.

Pangalawa, laanan ng pondo ang National Food Authority para bilhin ang 20% ng kabuuang bilang ng palay sa bansa sa halagang hindi bababa sa P23 per kilo. Maaring ibenta ito ng NFA sa mga konsyumer sa mas mura.

Panghuli at higit sa lahat, ipasa ang Genuine Agrarian Reform Bill at Rice Industry Development Bill na matagal nang isinusulong ng Bayan Muna para mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa bansa. Kung pag-aari ng magsasaka ang kanyang lupang sinasaka at ubos-kayang sinusuportahan ng gobyerno ang sektor ng agrikultura sa bansa ay tiyak maaabot natin ang food self-sufficiency at makakabili ng mura at masustansyang pagkain ang mamamayang Pilipino.

Kung makabalik ang #59 Bayan Muna sa Kongreso, makatitiyak ang mga konsyumer, mga magsasaka at mga ordinaryong tindera na ipapabasura nito ang Rice Liberalization Law, isusulong ang makabayang mga batas kagaya ng Genuine Agrarian Reform Bill at Rice Industry Development Bill, at papaimbestigahan at papanagutin ang mga kartel, middlemen at mga nagmamanipula ng presyo ng bigas at pagkain.

Ibasura ang Rice Liberalization Law!

Suportahan ang Pilipinong magsasaka, hindi dayuhan!

Bayan muna bago dayuhan!

Ibalik ang Bayan Muna sa Kongreso!