Alam mo ba na ang kauna-unahang batas na inihain ng Bayan Muna sa Kongreso noong nanalo ito 2001 ay para pataasin ang sahod ng mga manggagawa?
Sa pangunguna ni Rep. Crispin Beltran, pinanukala ng Bayan Muna ang House Bill No. 2605 at 2606 noong 2001 para magkaroon ng across-the-board increase na ₱125/araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, at across-the-board increase na ₱3,000/buwan para sa mga kawani ng pamahalaan.
Kasabay ng pagtaas na presyo ng mga bilihin, itinataas din ng Bayan Muna ang panukala nitong minimum na sahod ng mga manggagawa. Noong 2010 itinaas sa ₱6,000/buwan ang panawagang minimum na sahod para sa mga kawani ng pamahalaan. Noon namang 2018, pinanukala ng Bayan Muna na itaas ang minimum na sahod sa pribadong sektor patungong ₱750/araw at sa pampublikong sektor patungong ₱16,000/buwan.
Naniniwala ang Bayan Muna na ang nakabubuhay na sahod ay karapatan ng manggagawang Pilipino.
Kung muling makaupo sa Kongreso ngayong 2025, ang pinakaunang panukalang batas na ihahain ng Bayan Muna ay ang pagtataas ng minimum na sahod sa ₱1,200 kada araw para sa pribadong sektor at ₱33,000 kada buwan para sa pampublikong sektor. Ang halagang ito ay batay sa komputasyon ng Ibon Foundation kung magkano ang living wage sa kasalukuyan. Ito ay ipapatupad hindi lamang sa NCR kung hindi sa buong Pilipinas. Maglalagay rin ang Bayan Muna ng probisyon para taunang maitataas ang pambansang minimum na sahod tuwing tataas ang halaga ng living wage at masiguradong disenteng namumuhay ang bawat Pilipino.
Kontraktwalisasyon, wakasan
Matagal na ring kinakampanya at ipinaglalaban ng Bayan Muna ang pagwawakas ng lahat ng porma ng kontraktwalisasyon. Sa katunayan, inakda ng Bayan Muna at ang Makabayan Bloc ang House Bill No. 5140 noong 2014 para ipagbawal ang kontraktwalisasyon sa bansa. Ito ay masugid na ipinaglaban ng Makabayan Bloc at ng mamamayan sa loob at labas ng Kongreso, at muntik na itong maging isang ganap na batas kung hindi lang ito vineto ni dating Pangulong Duterte noong 2019.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ng Bayan Muna ang laban para sa wakasan ang endo o end of contract. Noong 2019, sa ilalim ng ika-18 na Kongreso, pinanukala ng Bayan Muna ang House Bill No. 3381 o Security of Tenure Bill para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, at ang House Bill No. 248 o Security of Tenure and Civil Service Eligibility for Non-Regular and Regular Employees in Government Bill para naman sa mga manggagawa sa pampublikong sektor.
Kung muling mahalal ang Bayan Muna sa Kongreso, makakaasa ang mga manggagawa na isusulong ng Bayan Muna ang mga panukalang batas na ito para wakasan ang kontraktwalisasyon at masigurong matamasa ng bawat manggagawa ang konstitusyonal na karapatan nila para sa security of tenure o kasiguraduhan sa trabaho.
Karapatan ng manggagawa, ipaglaban
Marami na ring mga panukalang batas ang inihain ng Bayan Muna sa Kongreso. Sa ilalim lamang ng ika-18 na Kongreso, narito ang mga panukalang batas na may probisyon para mapalakasin at magarantiya ang karapatan ng mga manggagawa para sa pag-oorganisa at pag-uunyon:
- Ang House Bill No. 5184 o ang Magna Carta of Private Health Workers;
- Ang House Bill No. 6509 o ang Bus Drivers and Conductors’ Welfare Bill;
- Ang House Bill No. 7540 o ang Medical Act of 2020; at
- Ang House Bill No. 10201 o ang Union Independence Bill.
Para naman sa mga kawani ng pamahalaan, isa si dating Bayan Muna Rep. Crispin Beltran sa mga unang naghain ng Public Sector Unionism Bill. Sa ilalim ng House Bill No. 6248 na pinanukala noong 2003, kinikilala at ginagarantiya ang konstitusyonal na karapatang mag-organisa at mag-unyon ng mga manggagawa sa pampublikong sektor.
Bukod sa mga panukalang batas para kilalanin at palakasin ang karapatang mag-organisa at magtayo ng unyon, naghain din ang Bayan Muna ng mga resolusyon para ilantad, kondenahin at imbestigahan ang paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa. Kung muling mahalal sa Kongreso, makatitiyak ang mga manggagawa na kasama nila ang Bayan Muna sa pagpapanukala ng batas para palakasin ang unyonismo sa bansa at sa pagpapanagot ng mga kapitalista, opisyal ng gobyerno, pulis, militar at iba pang mga lumalabag sa konstitusyonal na karapatang mag-organisa ng mga manggagawa.
Naglilingkod may eleksyon man o wala
Pinapatunayan ng kasaysayan at ng track record ng Bayan Muna na ang partylist na ito ay naglilingkod para sa bayan. Kahit natalo sa eleksyon noong 2022, patuloy na kumilos ang Bayan Muna para sa interes ng ordinaryong mamamayan. Ipinanalo ang petisyon sa Korte Suprema hindi kailangan mag-advance payment ng OFW sa SSS para makakuha ng Overseas Employment Certificate. Nagsampa ng kaso laban sa pagkuha ng P89.9 bilyong pondo ng PhilHealth para pondohan ang proyektong imprastraktura at kung anu-ano pa.
Sa darating na eleksyon, muling tatakbo ang Bayan Muna Party-List upang ipanalo ang interes ng mga mahihirap, inaapi at pinagsasamantalahan. Dadalhin ng Bayan Muna sa loob at labas ng Kongreso ang boses ng mga ordinaryong Pilipino—manggagawa, magsasaka, maralita, at ng iba pang sektor ng ating lipunan. Hindi takot ang Bayan Muna na labanan at panagutin ang mga korap at tiwali sa gobyerno.
Sa isip, sa salita at sa gawa, dapat bayan muna!